Noong nakaraang Hulyo 22, 2013 ibinigay ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang kanyang ikaapat na State of the nation’s address o SONA sa session hall ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas, Batasang Pambasa Complex. Ang nasabing pagpupulong ay tumagal ng isang oras at apatnapung minuto at sinasabing ito ang kanyang pinakamahabang SONA simula ng siya ay nahalal bilang pangulo noong taong 2010.
Ang SONA ay ukol sa kung ano na ang estado ng bansa sa kasalukuyan at ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakalipas na taon. Andaming naipasang mga batas at mga proyektong naisakatuparan halimbawa nito ay ang Sin Tax Law na nagbigay ng dagdag na tax sa mga produktong alak at sigarilyo, layunin nitong hikayatin ang mga gumagamit nito na huminto na pagbibisyo sa pagpapataas ng presyo nito. Isa ring matagumpay na proyekto ng pamahalaan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nagsasabing nadagdagan ang bilang ng mga benepisyaryo simula noong 2010 hanggang sa kasalukuyan. Sabi ni Aquino, “Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo ng programa noong 2010, umabot na sa halos apat na milyon na kabahayan sa ating pong administrasyon. Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya, upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high school ay makapagtapos na sila.” Kung mangyayari nga ay napakamalaking tulong ito para sa mga kabataang Pilipino na naghihirap at nagsisikap parin na magaral alang-alang sa kanilang kinabukasan. Dalawa lamang ito sa napakaraming nabanggit ni Pangulong Noynoy.
Ideniklara ni Pnoy sa kanyang SONA na sa taong 2015 ay matatapos na ang proyekto ng DOST, ang Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards. Noong nakaraang taon, natapos ang multihazard mapping ng dalawampu’t walong pinakapeligrosong lugar sa bansa. Susunod ang para sa Greater Metro Manila Area na pinaplanong tapusin pagdating ng 2014. Tapos na at handa ang mga Geohazard maps para sa 496 na lungsod at munisipyo. Ngunit may natitira pang 1,138 na sulok ng bansa at pinaplanong makukumpleto bago matapos ang 2015. Ang proyektong ito ay nagbibigay ng mga bagong impormasyon tungkol sa ulat panahon. Itong proyektong ito ng DOST ay makakatulong na makaiwas sa mga sakuna na dulot ng pagbaha. Isa sa problema ng Pilipinas ngayon ang pagbaha dahilan sa sunudsunod na bagyo na dumaraan sa ating banse. Marami na ang namatay at nawalan na tirahan dahilan sa pagbigla-bigla pagtaas ng tubig. Hindi rin natin maikakaila na ang dahilan ng pagbaha ay ang mga basurang nagkalat sa mga kanal na duluyan sana ng tubig ngunit ay naging basurahan. Kung dati ay hihintayin pa natin sa balita kung ani na ang lagay ng panahon ngayon ang kayang-kaya na na ikaw na lang ang pupunta sa website na http://noah.dost.gov.ph/ at pwede rin itong e-download sa cellphones. Di ko mapigilang maipagmalaki na dating estudyante ng USEP-IC ang developer ng Project Noah. Nakakaproud! :D
Nabanggit rin ni Pnoy sa kanyang SONA ang pagbibigay ng dalawampu’t limang milyong peso para sa programa na magbibigay ng magagaling na trainers para sa Business process outsourcing o BPO training program scholarship. Layunin ng programang ito ay magproduce ng mga graduates na magagaling at highly competitive. Sinasabing sa taong 2016 aabot na sa 4.5 milyon mula sa 1.8 milyon na trabahong iaalok ang Department of Labor and Employment. Dumarami na rin ang mga investors na dumadating dito sa Pilipinas sa kadahilanang marami tayong graduates na magagaling ngunit marami rin ang nangangailangan ng trabaho rito. Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng tinatayang apatnapung porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Makakatulong ito na mas palawakin pa ang kapasidad ng mga empleyadong Pilipino na makipagsabayan sa mga mamalaking bansa.
Marami talaga sa mga Pilipino ngayon ang walang trabaho at nagiging tambay na lamang sa kani-kaniyang bahay. Para sa akin, kung gugustuhin talaga ng isang tao na umasenso ang kanyang buhay siya na mismo ang maghahanap ng paraan. Hindi na niya hihintayin pa na oportunidad pa ang lalapit sa kanya dahil kahit anong dami pa ng proyekto ng Pangulo kung ang mga mamamayan naman mismo ang ayaw magsikap wala rin mangyayari, mauuwi lamang din sa wala ang lahat. Tayong lahat ay umaasa sa isa’t-isa. Kailangan tayo ng Pangulo kung paano rin natin siya kailangan. Hindi uunlad ang ating bansa kung ipagsasawalang bahala lamang natin ang mga nangyayari sa ating bansa. Sabay sabay tayong mangarap at magsikap para sa ikauunlad ng ating bansa.
Sources:
Comments